in erted
p y r a m i d
Sa muling pagbabalik ng interes sa natural na paraan ng panggagamot, napakaraming mga produktong herbal ang binebenta ngayon sa publiko. Ang mga nagbebenta naman ng halaman ay maya’t mayang hinahanapan ng mga mamimili ng iba’t ibang halamang gamot.
May mga tao na agad-agad na bumibili ng mga kung anong tabletas at halaman sa paniniwalang makakabuti ito sa kalusugan nila. May iba naman na agad taas-kilay, dahil para sa kanila lahat ng klaseng herbal ay hindi mabisa, kahit na hindi pa nila nasusubukan ito.
Sa gitna ng debate tungkol sa bisa ng halamang gamot, tinanong si Dr. Bibiano “Boy” Fajardo, isang albularyo na halos limampung taon nang gumagamit ng mga halaman sa kanyang panggagamot.
“Mabisa ang halamang gamot,” wika ni Dr. Fajardo. “Matagal na panahon bago pa dumating ang mga Kastila sa bansa natin, tayo ay gumagamit na ng iba’t ibang mga halaman para lunasan ang iba’t ibang karamdaman. Ito ang kaalaman na ipinasa ng maraming henerasyon ng mga albularyo. At ito ay mabisa, hanggang ngayon.”