
OPINION



Kung tingnan ng karaniwang tao, mukhang simple lang ang paggamit ng halamang gamot. Kukuha ka lang ng ilang dahon o ugat, saka pakuluan ito, at inumin. O sa panahon ngayon, kailangan mo lang uminom ng herbal na tableta o di kaya’y maglagay ng herbal na tsaa sa mainit na tubig.
Ngunit para sa isang manggagamot o albularyo, hindi simple ang prosesong ito. Paliwanag ni Dr. Fajardo, “Ang paggamit namin ng halamang gamot ay sumusunod sa mga tradisyunal na proseso at patakaran. Hindi kami basta-basta lang nagbibigay ng halamang gamot.”
“Para maging mabisa ang halamang gamot,kailangang alam mo kung paano gamitin ito. Kung kulang ang iyong kaalaman, maaring hindi mo makamit ang resultang nais mo.”
Bukod sa kakulangan sa kaalaman ng ibang tao, may iba pang dahilan kung bakit maaring hindi gumana ang halamang gamot para sayo:
Iba ang konsepto na gamit mo. Madalas, ayon kay Dr. Fajardo, ang mga tao ay gumagamit ng halamang gamot ayon sa konsepto ng kanluraning medisina, kung saan may isang klaseng gamot para sa isang uri ng karamdaman. “Iba ang proseso na sinusunod sa tradisyunal na panggagamot, Para maging mabisa ang halamang gamot, dapat ito ang sundin na proseso.” ayon kay Dr. Fajardo
​
Ang loob mo ay puno ng “basura.” Maaring ang iniinom mo na halamang gamot ay tama para sa iyong karamdaman—ngunit pagdating nito sa loob, hindi ito ma-absorb ng iyong katawan dahil ang iyong bituka ay puno ng basura mula sa pagkaing hindi natunaw ng maayos. Para maging mabisa ang halamang gamot, kailangan ito ay na-a-absorb ng iyong katawan.